Thursday, July 24, 2008

Minya (19__ - 2008)

Mag-iisang taon na nang huli ko siyang nakita. Sabado, bago ako lumipad papuntang Amerika. Nagpadespedida ng kaunti ang Tatay para magkakita-kita ang mga magkakamag-anak. Hindi ko nga akalain na makakarating siya dahil biglaan din lang naman. Payat na payat, garalgal ang boses, manipis na manipis na ang buhok sa ilalim ng kanyang lumang ballcap. Wala na ang dating magilas at mayabang na personalidad, tanda ng paglipas ng panahon at humuhupang kalusugan. Minya ang tawag namin sa kanya. Kapatid ng nanay ko. “Minya” dahil ninong ko siya sa “binyag”. Parang “umpe” kung ninong sa “kumpil”. At dahil nakasanayan na, yun na rin ang tawag ng mga kapatid pati na mga pinsan ko. Natatandaan ko pa ang mga unang laruang ibinigay niya nung bata pa ko. Maliit na tambol at plastik na kabayo. Sabi ng tatay binigyan din daw niya ako ng remote control na kotse, sinira ko lang daw. Kaya hindi na raw ako binigyan ulet. Hanggang ngayon gusto ko pa ring magkaroon ng remote control na kotse. Isang araw bibili ako.

Isa siya sa limang tao na role model ko sa buhay. Ang minya, ang tatay, ang mamay, si Einstein at si Jordan. Hindi ako nag-engineer dahil engineer ang minya, hindi ako nag-abogado o naging pulitiko dahil pulitiko tatay ko, gusto kong maging sundalo dahil sa mamay ko (ayaw naman niya). Sa kanila ko nakita ang mga bagay na dapat at hindi ko dapat manahin. Gumraduate siya ng civil engineering sa FEATI. Sa itaas ng hagdan ng dati naming bahay sa Lipa, ang laminated diploma niya ang pinakamalaki at pinakamalinis. Sinlaki yata ng apat na short bond paper ang diploma sa FEATI. Pero sa tinagal-tagal ko sa Maynila hindi ko man lang nalaman kung san ang college na yun. Sa pamilya namin, siya ang tinuturing na pinakaedukado, pinakamatalino. Dalawang bagay na itinuro niya sa kin ang hindi ko malilimutan. Pareho kong natutunan sa nung anim na taong gulang pa lang, kinder ako. Ang pagtanggal ng sapatos ng hindi kinakalas lahat ng sintas (luluwagan lang ng konti) at ang paglalagay ng number sa likod ng mga mumurahing karton ng jigsaw puzzle para madaling buuin. Dalawang bagay na palagi kong ipinagyayabang sa mga kaklase ko.

Mahabang panahon din na magkakasama kami sa iisang bahay. Mula siguro nang namulat ako sa mundong ito, isang buong pamilya na kaming nakatira sa H. Latorre, sa Brgy Diyes, ang matandang bahay ng mamay at nanay ko - nasa taas sila, nasa silong kami. Nagkahiwa-hiwalay lang nang ibenta na ang bahay. Second year college yata ako nun. Hindi pa rin ako makapaniwala na mawawala na ang kinalakihan kong bahay, mapapahiwalay na rin kami. Matindi kasi pangangailangan nun. Magsisimula na sa highschool ang pinsan ko, dalawa na sila, wala namang permanenteng trabaho ang minya. Sa ayaw man o gusto kahit sino man ang nagdesisyon noon, alam ko malungkot din ang lahat. Ayaw din kahit papano na mabenta ang bahay. Dun na naging madalang ang pagkikita namin. Lumipat na sila ng bahay, ako naman nag-aaral sa Diliman. Masuwerte na kung magkita kami sa isang buwan. Kahit pasko nga hindi na kami nagkakabalitaan. Marami na siyang utang sa kin, yun ang lagi niyang pinapaalala pag nag-aabot kami. At nung isang taon nga sabi nya hindi na niya mababayaran ang utang niya paalis na daw ako. Di bale sabi ko dadagdagan ko na lang. Hintayin na lang niya kako ang package ko. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi na niya nahintay.

Umaga ng Lunes, July 21 nang nagtext sa kin kapatid ko. Tumawag daw ako sa bahay, walang ibang sinabi. Kutob ko na. Malamang emergency to. Sa bahay tatlo ang posibleng emergency, ang inay, ang tatay o si Shiela. Pare-pareho kaseng me problema sa katawan. Hindi ko inaasahan na ang minya pa ang magiging laman ng balita. Inatake sa puso, nakarating pa sa ospital pero di na rin naagapan. Wala na ang minya. Malungkot. Hindi ko alam kung pano magluksa ng mag-isa. Totoo nga pala yun, kapag namatay ang isang tao, nagfaflashback lahat ng kabutihang ginawa nya sa yo at kung me kasalanan naman napapatawad at natatanggap mo na. Wala akong maiisip na pagkukulang nya sa akin o sa amin man. Lumaking maayos ang dalawa kong pinsang babae na mag-isa niyang inalagaan at pinalaki. Marami siyang desisyong mali lalo na pagdating sa pera pero sa tingin ko ginawa nya yun para sa dalawa dahil sa huli, naging masaya naman silang tatlo. Naging maayos rin naman ang lahat.

Akala ko aabutan ko pa siya pag-uwi ko. Ako na sana ang magbibigay ng papasko sa kanya. Akala ko makakasama pa ulet namin siya pag binili na namin ulet ang lumang bahay. Sayang hindi na niya nahintay. Malamang sinasalubong na siya ng mamay at ng nanay. Siguradong kahit bungi, mahaba na naman ang ngiti ng nanay habang niyayapos niya ang paborito niyang anak. Magtatawanan at maglolokohan habang pinag-uusapang ang pagbubuhat at pagpupunas sa kanila bago nila kami iwan noon. Alam ko, nagkakape na sila habang hinahagpos ng mamay at pinapakahig ang manok ni San Pedro. At sa pangungumusta ng mamay, mayabang na namang ikukwento ng minya ang inay, ang tatay at kaming mga apo nila. “Malalaki na, sayang hindi nyo nakita”


Ayokong magpaalam, magkikita pa rin naman kami. Maaring magtagal pa, basta ang mahalaga hindi kami magkakalimutan. Nasaan man siya, alam ko masaya siyang nakatingin sa amin ngayon. Dahil noon pa man yun na ang gusto niyang lugar. Hanggang sa muling pagkikita, Minya.

No comments: