Masarap mangarap lalo na pag bata pa. Kindergarten pa lang, yan na ang pangalawang itatanong sa yo ng titser mo pagpasok mo sa skul. What's your name? What do you want to be when you grow up? Pag hindi lawyer, doktor, engineer o pulis, sundalo naman. Ako I want to be a soldier. Parati kase akong nanood ng mga pelikula ng nasirang si FPJ noon. Yung FPJ sa GMA tuwing alas-siyete ng gabi sa channel 7. Fan kase ni FPJ tatay ko. Eh ano kung gusto maging doktor ng mga kaklase ko. Basta ako ung crush ko ang nurse ko. Yun ang laging ganap ni Susan Roces sa mga pelikula ni FPJ. Sabi ng tiyo kong civil engineer mag-abogado daw ako bagay daw sa kin. Lagi kase akong nakikipaggigilan sa mga kalaban ko sa lastiko at teks. Ayoko nga. Basta magiging sundalo ako. Isa pa sundalo ng World War II mamay ko eh. Me medal pa nga gawa ng Death March. Gusto ko maging katulad nya.
Pagdating ng Grade 4 nagkaroon ng Science na subject sa G.B. kaya medyo naiba ang pangarap ko. Naging interesado ako sa mga itinuturo ni Mam Lat nung Grade 5. Nalaman ko na ang tinik pala ng isda eh buto nya. Nalaman ko rin na ang tao pala eh kabilang sa animal kingdom. Masama man sa loob ko tinanggap ko na rin. Ito ang simula ng expression kong for the sake of science. Yung Beyond the Solar System chapter ng libro namin ang nagpakilala sa kin kina Yuri Gagarin, Valentina Tereshkova, Lyka, Edwin Aldrin, Neils Armstrong at Michael Collins. Hmmmmm. Gusto ko nang maging Astronaut. Sabi ko, ako ang unang magiging Pilipinong makakatuntong sa buwan. At lalong tumibay ang ambisyon ko nang malaman ko na Pilipino pala ang nagdesign ng Moon Buggy, si Ed San Juan daw. Gumradweyt ako ng elementray dala ang pangarap na to.
Sa high school, pinabasa sa min ni Sir Villena yung mga turo ni Confucius. Good iron is not wasted as nails, nor are great men not wasted as soldiers. Sige na hindi na ko magsusundalo. Hanggang suntok na lang aabutin ng buwan sa kin siguro. Hindi ko pa rin alam. Walang nag career orientation sa min eh. Subukan ko na lang maging doktor. Natuto naman akong magdissect ng palaka nung second year eh. Best in bio naman ako. Kaso hindi ako pumasa sa first choice ko sa U.P. Quota course kase ang B.S. Bio. Chem na lang kukunin ko. Pwede pa rin naman akong maging doktor kung gagawin kong premed course to. Isa pa hindi naman kasama sa scholarship ng DOST ang bio kaya ok lang. Wala rin naman kami masyado pera pang college ko. Dito ko na rin naisip na hindi na ko magmemed school. Mahal kase. Pagkatapos ko mag college apat na taon pa med proper, dalawang taon pa ang specialization at syempre me med board pa. Kulang-kulang pitong taon pa bago ako kumita ng sarili kong pera. Wag na lang, magtatrabaho na lang ako. Hindi ko naman kelangan maging doktor para kumita o para makatulong sa tao (wow parang kandidato). Pumasok rin ang pulitika sa isip ko. Syempre sino bang hindi maakit sa kinang ng power at pera ng mga mayor, gobernador, congressman o senador sa atin. Kaya sinimulan ko sa pagiging S.K. kagawad. Akalain mong manalo nga ako. Dun nagsimula ang aking political career. At ng mapag-isip-isip ko, dun ko na rin tinapos.
Nagresearch na lang ako sa Batangas at pagkatapos nagturo ng chem sa U.P. Sa madaling salita, ginamit ko ang aking pinag-aralan. Rumaket sa review center at nagtutor din. Ano kaya kung mag-apply ako sa Houston o kaya sa Utah. Gaya-gaya sa mga kaklase ko na nakarating sa states sa pag piPhD. Pagkatapos ng pagbabayad ng kung anu-anong fees at pagkaskas sa credit card ni Jane natanggap ako. Mahabang istorya, hindi kasing simple ng inaasahan pero sa huli pinili ko Utah. Gusto ko bang mag PhD talaga? Nakikita ko ba ang sarili ko na PhD pagkatapos ng ilang taon? Ano naman gagawin ko pag PhD na ako? Sa totoo lang hindi ko pa alam. Pinapangarap ko pa rin ang mga pangarap ko ng kinder at grade 4 ako. Ang kaibahan lang ngayon mas masarap na mangarap. Kasama ko na pamilya ko future o present sa pangarap ko. Hindi ko na tinatanong sa Tukayo ko kung matutupad pa ba yun o hindi na. Nagpapasalamat na lang.
Naisip ko na walang pangarap na natutupad. Pero pinakamasarap na parte na ng buhay ang bahagi kung san parating nasa gitna ng pagtupad ng pangarap. Sabi nga ni Santiago, (hindi si Randy o si Raymart) - "It's [just] the [mere] possibility of having a dream come true that makes life interesting."