Monday, December 22, 2008

Pasko ng Dalita

(Isang tulang itinuro ng Lola ko sa Tatay ko na tunuro naman sa kapatid ko.)

Malungkot ang batang sa ina'y lumuhod
At saka nagtanong na naghihimutok,
Bakit inang luma itong aking saplot
Ngayon ay Pasko at araw ni Hesus

Ang nakasabay kong namasko't nanlimos,
May bagong baro, medyas at sapatos,
Naiinggit ako sa kanilang suot,
Pati paa ko'y parang tinitisud-tisod.

Parang dinagukan ang dibdib ng ina
Sa sinabing iyon ng anak na sinta
At hindi kinukusa'y nagbuntung hininga
At tuloy nanlaglag ang luha sa mata.

Hayaan mo anak at sila'y may kaya,
Samantalang tayo ay dukhang talaga.
Sa bunton ng pilak nagpapasko sila,
Samantalang tayo, sa hirap magpasko at magsaya.

Ang sasa bihin ko'y tandaan mo anak,
Ang diwa ng pasko ay wala sa pabalat.

Monday, July 28, 2008

Kristofer Kolumbus


Disclaimer: Ang mga tao, lugar at petsa sa mga sumusunod na lathalain ay pawang likhang-isip lamang ng may akda. Ang pagkakapareho sa totoong buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya.

August 3, 2007, 4:30 am (GMT +8:00). Nasa NAIA na si Jay. Inihatid siya ng pamilya at mga kaibigan niya. Fair enough. A well represented entourage for his flight. Kokonti lang naman ang kaibigan nya. The night before, nagdespedida dinner sila kasama ang kanyang “raket” team at ilang mga kaklase ng college. Doon pa lang pinagbawalan na niya si Jena, ang girlfriend nya, na huwag iiyak. Baka daw hindi niya kayaning sumakay ng eroplano. Hindi pa siya matuloy. Pag-uwi na lang nya ng bahay. Malamang nasa Hongkong na ang eroplano niya nun, hindi na niya maririnig yun.

Manila to Hongkong, Hongkong to San Francisco pagkatapos, San Francisco to Salt Lake City. Yan ang flight schedule nya. Matapos ang mahabang pila at pagchecheck ng mga dokumento, passport at visa nakasakay na rin siya sa eroplano. Ito ang unang international flight nya. Matagal na niyang gustong bumisita sa ibang bansa. Hindi niya akalaing Amerika pa ang una niyang mapupuntahan. Kinakabahan siya. Kahit na alam niyang apat naman silang magkakasabay na mag-aaral sa Utah at may mga Pilipino rin naman silang madadatnan doon, hindi pa rin niya maalis ang pag-aalinlangan. Wala siyang ibang kamag-anak na pwedeng lapitan pag nagkaroon ng aberya. Pano kung wala siyang matirhan? Pano kung kulang ang stipends na ibibigay ng university? Pano kung masipa siya sa program? Bahala na si Batman. Anjan naman si Superman at si Spiderman.

Sa pagsikat ng araw ng Biyernes na yon, isang bagong yugto ang naghihintay kay Jay. Ito na ang naging ikot ng kanyang buhay mula pagkabata. Kada anim o apat na taon isang bagong chapter ng kanyang aklat ang nabubuklat. Nagsimulang mag-aral ng kinder pagtuntong ng anim na taon, grumadweyt at naghighschool pagkatapos ng grade 6, nagcollege pagkagraduate ng 4th year, nagtrabaho ng kulang-kulang apat na taon bago lumipat ng grad school at nagturo ng apat na taon sa U.P. Ngayon, panibagong apat o anim na taon na naman ang kanyang bubunuin.

Pinahigpitan na ng stewardess ang seatbelt at nagdemo na ng safety measures. Paapat na beses na niyang nakita to. Domestic lang ang tatlo. Nakinig pa rin siya. Baka me ibang regulasyon kapag international flight na. Wala naman siguro. Hindi naman siguro nila ituturo kung saang parte ka ng dagat dapat lumangoy para mas mabilis kang masagip kung saka-sakali. Malay ba niya, iba-iba rin naman ang mga patakaran ng mga bansa pagdating dyan. Iniisip na lang niya, kung babagsak ang eroplano, sana huwag sa China o sa Japan. Siguradong hindi sila magkakaintindihan. Malulunod lang. Tit ti tit tit ti titit, Tit ti tit tit ti titit. See you soon, buddy. Huling text bago pinapatay ng mga stewardess ang lahat ng cellphones at electronic gadgets ng mga pasahero. Buti na lang walang good bye. Tumingin siya sa bintana, umaasang makikita ang nagpadala ng text kahit alam naman niyang imposible. Mag-aalas siyete na nang lumipad ang Airbus A330 na sinasakyan niya. Flight CX 904 bound to Hongkong. Maganda pa rin nga ang Pilipinas sa aerial view. Nakita naman niya ang mga isla ng Babuyan (kung yun nga yon) bago niya tinakpan ang bintana. Oras na para sa paalmusal ng eroplano.

8:20 (GMT +8:00). Natanaw na ni Jay ang mga gusali sa di kalayuan. Medyo maliit na bahagi ng lupa. Ito na ba ang Hongkong? “We are arriving at Hongkong international airport in 15 minutes”, sinagot naman siya ng stewardess. Maliit lang pala. Me dalawang parte ng lupa ang namumutiktik ng matataas na building, pinaghihiwalay ng malawak na berdeng lupain. Parang mga laruan lang na nakapatong sa damuhan. Parang Godzilla movie ng Hapon - peke lahat ng mga buildings. Mukhang maganda nga ang Hongkong. Sa isip niya, isang araw bababa siya at magliliwaliw dito. Sa ngayon, stopover lang. Mahigit tatlong oras siyang maghihintay sa airport. Alas-dose pa ang sunod niyang flight.

Tit ti tit tit ti titit, tit ti tit tit ti titit. Hmmmm, ang galing naman ng globe me signal pa sa Hongkong. Nakalimutan niya, pinaroaming pala niya ang kanyang telepono para makatanggap ng mga text at makatawag sa sa Pilipinas. Libre ang receive ng messages pero sampung piso ang send. Pwede na rin. “Buddy, tulg mna ko. di n k psok ofce.” Napagod sa paghahatid. Ok, gumagana ang roaming.

Nagsimula nang magpuno ang eroplanong sasakyan ni Jay. Boeing 747. Mas malaking eroplano. Trans pacific flight na kase. Ito ang pinakamahabang connecting flight. Kulang kulang labintatlong oras, Hongkong to San Francisco. Malamang mahabang tulog na lang ang katumbas nito. Sumilip muna ulet siya sa bintana bago tuluyang nakalayo ang eroplano sa airport. Para talagang peke ang mga gusali.

Hindi pa nagtatagal ang kaniyang biyahe nang makarinig siya ng malakas na harok galing sa likuran. Tulog na si Neds. Iniistorbo na ulet ang mga katabi. Si Neds ang kasabay niyang bumiyahe sa Amerika. Apat silang mag-aaral uli. Yung dalawa nauna na noon pang isang linggo (excited). Sa Pilipinas pa lang magkakilala na sila. Halos tatlong taon din silang magkasama sa trabaho. Nauna lang si Jay ng isang taon. Matapos silang iwan ng mga kaibigan para mag-aral sa Amerika, napag-isip isip na rin nilang subukan ang kanilang suwerte gaya ng iba. Sa pangkalahatan, sampu silang sabay-sabay na aalis para mag-aral sa amerilka. Napagdesisyunan nilang ipagpatuloy na lang ang graduate studies doon. Hindi na ito kakaiba. Halos taon-taon ganito karami ang mga katulad nilang umaalis sa unibersidad para lang magpatuloy ng pag-aaral sa ibang bansa. Mas maganda na ang kalidad ng edukasyon, mas malaki pa ang kita. Ang mga naiiwan, kung hindi man nagpaplano na para sa susunod na taon, pumapasok naman sa industriya. Madilim na sa labas ng eroplano, wala nang makita sa bintana. Malamang gabi na o narating na nila ang kalahati ng mundo. Nilingos muna ni Jay si Neds.Tulog pa rin. Ilang oras na lang lalapag na ang eroplano sa San Francisco. Eto na ang Amerika. Mas berde nga kaya ang damo dito. Wala nga kayang pollution dito o traffic kaya gaya ng sabi sa commercial. Napaidlip na si Jay habang paulit ulit na bumubulong ang matanda sa kanyang tenga…”walang ganyan sa states.”

August 3, 2007, 9:10 am (GMT -8:00). “Good morning everyone we are approaching San Francisco International Airport, local time is 9:00 am. We will be starting our descent in a few minutes.” Kanina pang gising si Jay. Pinapanood lang niya sa monitor kung ilang milya na lang ang layo nila sa airport at kung ano ang estimated time of arrival. Halos labingsiyam na libong milya na ang kanilang nalakbay. Lumingon siya sa likod, gising na rin ang mumukat mukat na kaibigan. Walang naging problema sa paglanding ng eroplano. Pulido ang lahat. Tumingin siya sa kanyang Nokia 7210, walang message. Malamang tulog pa si Jena. Anong oras na ba dun? Ala-una pa ang sunod niyang flight . Si Neds, alas tres naman. Mauuna siya ng dalawang oras kaya kailangan niyang hintayin ang kaibigan sa airport. Tinext na niya si Ela. Siya ang susundo sa kanilang dalawa sa airport. Si Ela ang isa sa dalawa pa nilang kaibigang nauna na noon pang isang linggo. Me nakilala na silang mga kapwa Pilipinong estudyante. Pinakiusapan niyang sunduin sina Jay. Me mga kostse na kase sila. Hindi nagrereply. Sana natanggap niya ang text.

Bago pumasok ng airport dumaan muna ng immigration ang dalawa. Karamihan ng mga immigration officers Pinoy. Kalat kase ang pinoy sa California. Mabilis na nakalagpas si Neds sa inspeksyon. Si Jay pinapunta pa sa isang opisina bago siniyasat. Tinanong siya kung yun ang unang pagpunta niya sa Amerika at kung meron na siyang social security. Syempre wala. Yun pa nga lang ang unang labas niya ng Pilipinas eh. Tumingin ang officer sa monitor, tumingin siya ke Jay, tumingin ulit sa monitor, tila me pinaghahambing. “Please sit down,” anang officer ke Jay. Makalipas ang ilang minuto tinawag siya ulet. Pinataas ang manggas ng jacket, sinilip kung me tatoo. Pinababa ang collar ng polo shirt at tiningnan ang leeg. Anong susunod pasasayawin na kaya siya? Malamang me kapangalan siya sa records ng homeland security. Mas malaking problema kung identity theft naman. Matapos ang dalawang walang kwentang tanong at ang tatlumpong minuto, tinatakan din ang kanyang visa at pinapasok na siya sa airport. Kinabahan si Jay. Akala niya ipapadeport na siya. Hindi pa nga nakikita ang Amerika babalik na agad, letseng buhay. Sa lounge, nakita niya ang kaibigan, baggage na lang nila ang nakalagay sa umiikot na distributor. Dalawang oras pa ang sunod niyang flight. Habang naghihintay, bumili muna sila ng hamburger sa Burger King. Espesyal ang tanghaliang yun, quarters, dimes and nickels na ang ibinayad nila sa counter. “Have a good day,” sabi ng kahera. Nang magpasakay na ang flight UA 650, nagpaalam na si Jay kay Neds. Mauuna na siya. Hintayin na lang niya sa Salt Lake ang kaibigan ng dalawang oras.

August 3, 2007, 3:45 pm (GMT -7:00). Parang jigsaw puzzle na puro parisukat lang ang piyesa. Yun ang itsura ng Utah bago maglanding ang eroplano. Hindi pa rin alam ni Jay kung ano yung mga mapupulang patse ng lupa sa ibaba. Pagbaba, tinext ulet niya si Ela. Sana talaga natanggap niya ang text. Mahal pa naman ang taxi. Hinanap niya ang dalawang bagahe galing sa eroplano. Nakita agad niya yung pula. Yun ang dahlilan kung bakit pula ang pinili niyang maleta – para madaling makita. Sana nga dilaw, ubos na lang ang stock sa SM North. Marami rin sigurong nahihirapang maghanap ng maleta sa airport. Nasaan na yung asul. Yun pa naman ang dinelehensya ng Tatay niya sa barkada niyag galing naman sa Italy. Hinintay lang niya, baka naman nahuli lang sa elevator. Nakalabas na ang lahat ng maleta wala pa rin yung sa kanya. Minabuti na niyang Magtanong sa matabang babaeng nakauniporme ng Southwest. “Excuse me, I’m having some troubles looking for my luggage maybe you can help me.” Wow, kumpletong Ingles at perfect ang grammar. Lumabas naman ang babae sa lungga niya, malamang naintindihan siya. Tinulungan siyang maghanap. Matapos ang walang kuwentang pag-iikot sa lobby (dahil naikot na naman ni Jay iyon bago pa man magtanong at natingnan na rin niya lahat ng kulay blueng maleta), bumalik at pumasok ulet ang babae sa opisina. Hiningi niya ke Jay ang ticket niya at me tinaype na number. “Apparently, your luggage has been mistakenly shipped to Colorado.”
“Huwaaaaat!!! Nasa Colorado ang maleta ko.” Muntik nang murahin ni Jay ang babae. “P*&@#ina, eh andun brief ko!” Mag side B ka na lang bukas. Hiningi ng babae ang address at telepono ni Jay. Anong ibibgay niya eh kararating pa lang nila sa Amerika. Hindi pa nga niya alam kung saan siya titira. Kinakabahan na siya. Pano kung hindi mapabalik ang maleta nya. Mahal pa naman daw ang brief sa Amerika. Puro Hanes at Jockey na kase ang bibilhin mo. Wala na ng tigtatatlo isang daang binibili nya sa Divisoria. Ilang minuto pa, dumating na rin si Ela kasama ang kaibigan niyang me kotse. Ibinigay niya ang number at address ng apartment niya. Dun na lang daw idedeliver sabi ng matabang babae. Ok, sisiguraduhin daw nilang makakarating din ngayong gabi. Dapat lang. Lumanding na rin ang sinasakyang eroplano ni Neds. Isinakay nila ang kanilang maleta sa two-door Pontiac ng kaibigan at dumiretso pauwi. Tapos na ang pisikal na biyahe.


Ito ang unang araw ni Jay sa Amerika. Ang pinakamahabang Biyernes ng kaniyang buhay. Bukas, Sabado, excited ang loko. Ano kaya ang meron sa Amerika? Mas berda nga kaya ang damo dito? Mas matataba nga kaya ang mga baka? At mas malaki nga ba ang buwan pag gabi? Full moon ngayon, malalaman din niya. Me poproblamihin muna siyang iba. Wala siyang pamalit na brief bukas.


Thursday, July 24, 2008

Minya (19__ - 2008)

Mag-iisang taon na nang huli ko siyang nakita. Sabado, bago ako lumipad papuntang Amerika. Nagpadespedida ng kaunti ang Tatay para magkakita-kita ang mga magkakamag-anak. Hindi ko nga akalain na makakarating siya dahil biglaan din lang naman. Payat na payat, garalgal ang boses, manipis na manipis na ang buhok sa ilalim ng kanyang lumang ballcap. Wala na ang dating magilas at mayabang na personalidad, tanda ng paglipas ng panahon at humuhupang kalusugan. Minya ang tawag namin sa kanya. Kapatid ng nanay ko. “Minya” dahil ninong ko siya sa “binyag”. Parang “umpe” kung ninong sa “kumpil”. At dahil nakasanayan na, yun na rin ang tawag ng mga kapatid pati na mga pinsan ko. Natatandaan ko pa ang mga unang laruang ibinigay niya nung bata pa ko. Maliit na tambol at plastik na kabayo. Sabi ng tatay binigyan din daw niya ako ng remote control na kotse, sinira ko lang daw. Kaya hindi na raw ako binigyan ulet. Hanggang ngayon gusto ko pa ring magkaroon ng remote control na kotse. Isang araw bibili ako.

Isa siya sa limang tao na role model ko sa buhay. Ang minya, ang tatay, ang mamay, si Einstein at si Jordan. Hindi ako nag-engineer dahil engineer ang minya, hindi ako nag-abogado o naging pulitiko dahil pulitiko tatay ko, gusto kong maging sundalo dahil sa mamay ko (ayaw naman niya). Sa kanila ko nakita ang mga bagay na dapat at hindi ko dapat manahin. Gumraduate siya ng civil engineering sa FEATI. Sa itaas ng hagdan ng dati naming bahay sa Lipa, ang laminated diploma niya ang pinakamalaki at pinakamalinis. Sinlaki yata ng apat na short bond paper ang diploma sa FEATI. Pero sa tinagal-tagal ko sa Maynila hindi ko man lang nalaman kung san ang college na yun. Sa pamilya namin, siya ang tinuturing na pinakaedukado, pinakamatalino. Dalawang bagay na itinuro niya sa kin ang hindi ko malilimutan. Pareho kong natutunan sa nung anim na taong gulang pa lang, kinder ako. Ang pagtanggal ng sapatos ng hindi kinakalas lahat ng sintas (luluwagan lang ng konti) at ang paglalagay ng number sa likod ng mga mumurahing karton ng jigsaw puzzle para madaling buuin. Dalawang bagay na palagi kong ipinagyayabang sa mga kaklase ko.

Mahabang panahon din na magkakasama kami sa iisang bahay. Mula siguro nang namulat ako sa mundong ito, isang buong pamilya na kaming nakatira sa H. Latorre, sa Brgy Diyes, ang matandang bahay ng mamay at nanay ko - nasa taas sila, nasa silong kami. Nagkahiwa-hiwalay lang nang ibenta na ang bahay. Second year college yata ako nun. Hindi pa rin ako makapaniwala na mawawala na ang kinalakihan kong bahay, mapapahiwalay na rin kami. Matindi kasi pangangailangan nun. Magsisimula na sa highschool ang pinsan ko, dalawa na sila, wala namang permanenteng trabaho ang minya. Sa ayaw man o gusto kahit sino man ang nagdesisyon noon, alam ko malungkot din ang lahat. Ayaw din kahit papano na mabenta ang bahay. Dun na naging madalang ang pagkikita namin. Lumipat na sila ng bahay, ako naman nag-aaral sa Diliman. Masuwerte na kung magkita kami sa isang buwan. Kahit pasko nga hindi na kami nagkakabalitaan. Marami na siyang utang sa kin, yun ang lagi niyang pinapaalala pag nag-aabot kami. At nung isang taon nga sabi nya hindi na niya mababayaran ang utang niya paalis na daw ako. Di bale sabi ko dadagdagan ko na lang. Hintayin na lang niya kako ang package ko. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi na niya nahintay.

Umaga ng Lunes, July 21 nang nagtext sa kin kapatid ko. Tumawag daw ako sa bahay, walang ibang sinabi. Kutob ko na. Malamang emergency to. Sa bahay tatlo ang posibleng emergency, ang inay, ang tatay o si Shiela. Pare-pareho kaseng me problema sa katawan. Hindi ko inaasahan na ang minya pa ang magiging laman ng balita. Inatake sa puso, nakarating pa sa ospital pero di na rin naagapan. Wala na ang minya. Malungkot. Hindi ko alam kung pano magluksa ng mag-isa. Totoo nga pala yun, kapag namatay ang isang tao, nagfaflashback lahat ng kabutihang ginawa nya sa yo at kung me kasalanan naman napapatawad at natatanggap mo na. Wala akong maiisip na pagkukulang nya sa akin o sa amin man. Lumaking maayos ang dalawa kong pinsang babae na mag-isa niyang inalagaan at pinalaki. Marami siyang desisyong mali lalo na pagdating sa pera pero sa tingin ko ginawa nya yun para sa dalawa dahil sa huli, naging masaya naman silang tatlo. Naging maayos rin naman ang lahat.

Akala ko aabutan ko pa siya pag-uwi ko. Ako na sana ang magbibigay ng papasko sa kanya. Akala ko makakasama pa ulet namin siya pag binili na namin ulet ang lumang bahay. Sayang hindi na niya nahintay. Malamang sinasalubong na siya ng mamay at ng nanay. Siguradong kahit bungi, mahaba na naman ang ngiti ng nanay habang niyayapos niya ang paborito niyang anak. Magtatawanan at maglolokohan habang pinag-uusapang ang pagbubuhat at pagpupunas sa kanila bago nila kami iwan noon. Alam ko, nagkakape na sila habang hinahagpos ng mamay at pinapakahig ang manok ni San Pedro. At sa pangungumusta ng mamay, mayabang na namang ikukwento ng minya ang inay, ang tatay at kaming mga apo nila. “Malalaki na, sayang hindi nyo nakita”


Ayokong magpaalam, magkikita pa rin naman kami. Maaring magtagal pa, basta ang mahalaga hindi kami magkakalimutan. Nasaan man siya, alam ko masaya siyang nakatingin sa amin ngayon. Dahil noon pa man yun na ang gusto niyang lugar. Hanggang sa muling pagkikita, Minya.

Tuesday, June 17, 2008

Listahan ng Balde I

Sa tuktok ng pyramid tinanong ni Morgan Freeman si Jack Nicholson, "The Egyptian Gods will ask you two questions before they let you in in the gates of heaven. One - have you ever found joy in your life and two - have your life brought joy to others?" Sinagot ni Jack ng may pagaalinlangan ang unang tanong pero yung pangalawa, wala siyang nasabi. Ako man siguro hindi ko pa kayang sagutin ang unang tanong, lalo naman yung pangalawa.

Yan ang Bucket List. "It's moving, inspiring and makes you think about your life." Well, pwede na. Kung yung housemate ko ngang masayahin naiyak nung nag-eueulogy na si Jack ke Morgan, malamang eh me palo nga ang pelikula sa puso ng manonood. O baka naman iyakin
nga lang talaga siya. Kung di man ako naiyak tama namang sabihing it makes you think not once but twice (ala Susan Roces) about your life. Hmmmm. Sige nga, pagnilay-nilayan ko nga to sa loob ng tatlumpung minuto habang nagpapatuyo ng Boron.

Unang tanong, have you ever found joy in your life? Sa buhay ko, dalawa lang ang natatandaan kong joy, si Modest at si Ms. Olo. Siyempre hindi counted yun. Chemistry? It's interesting, challenging sometimes fun but most often frustrating - definitely not my definition of joy. Eh basketball? For me life is like basketball pero basketball is not life. Hindi naman ako professional player eh. Sooner or later ireretire ko rin ung mga Intercolor jerseys ko. Sa ngayon suklo pa nga hinlalaki ko. Kelangan pang hilutin ng Ben-Gay gabi-gabi. Hindi makapagbasketball. Definitely not joy. Ah, girlfriend ko. Kanina pa kumakatok yan sa utak ko. Yeah we really have fun and laughter together. Parang walang nang bukas pag magkasama. Pero sa ngayon almost 19,000 miles ang distansya namin sa isa't isa. Internet at telepono lang ang namamagitan (madalas nga YM lang). Pero nakita ko naman ang isang piraso ng jigsaw joy puzzle ko sa kanya. Siguro centerpiece pa. Wag nga lang nya akong ipagpapalit sa ibang mas guwapo, mas matalino, mas mabait at mas talentadong nilalang. Take note of the word "mas", importante yan. Sabagay me helmet na naman yun. Safe na, maumpog man sa aspalto. Pamilya ko? Si Nanay, si Tatay, si Ate at si Kuya. Oooops panganay nga pala ko. Yung ate at kuya para sa dalawa kong mas batang kapatid. They're the second piece of the puzzle. Alam kong magiging masaya ako kung mas masaya sila. Ako naman ay naging isang mabuting anak at kapatid sa aking mga mahal sa buhay (kahit papano). Kaibigan? Marami naman akong tinuturing na kaibigan at siguro naman tinuturing din nila akong kaibigan din, sana - mga kaklase nung elementary, highskul, college, at pati na rin grad skul, mga katrabaho sa Chem, ka-Org at Brods sa UP,teammates sa basketball at mga kapitikan ng ilong at tenga hanggang ngayon. Masaya pag kasama sila. Sana nga lang sa hirap at ginhawa rin. Kadalasan kasi sa ginhawa at inuman ko nakakasama ang mga to. Teka, minsan nga dalawin ko ang ilan sa kanila at sabihin kong nakabaril ako ng tao. Tingnan ko kung sino kayang magpapatuloy sa kin. Career? Chemistry is my career and that goes back to the first statements. Come to think of it, nakita ko na nga pala ang joy sa buhay ko. Hindi pa nga lang kumpleto. Mas tama nga sigurong isipin na part by part lang ang kaligayahan ng tao at hindi nakasalalay sa iisang bagay o tao rin lang. At least me optimistic view ka parati na me darating pang ibang parts of the whole joy puzzle in the future. Sa tingin ko kaya kong sagutin yung unang tanong - yes but not yet completely.

At ang huling tanong, have your life brought joy to others. One word - SANA.

Thursday, May 22, 2008

Pangarap

Masarap mangarap lalo na pag bata pa. Kindergarten pa lang, yan na ang pangalawang itatanong sa yo ng titser mo pagpasok mo sa skul. What's your name? What do you want to be when you grow up? Pag hindi lawyer, doktor, engineer o pulis, sundalo naman. Ako I want to be a soldier. Parati kase akong nanood ng mga pelikula ng nasirang si FPJ noon. Yung FPJ sa GMA tuwing alas-siyete ng gabi sa channel 7. Fan kase ni FPJ tatay ko. Eh ano kung gusto maging doktor ng mga kaklase ko. Basta ako ung crush ko ang nurse ko. Yun ang laging ganap ni Susan Roces sa mga pelikula ni FPJ. Sabi ng tiyo kong civil engineer mag-abogado daw ako bagay daw sa kin. Lagi kase akong nakikipaggigilan sa mga kalaban ko sa lastiko at teks. Ayoko nga. Basta magiging sundalo ako. Isa pa sundalo ng World War II mamay ko eh. Me medal pa nga gawa ng Death March. Gusto ko maging katulad nya.

Pagdating ng Grade 4 nagkaroon ng Science na subject sa G.B. kaya medyo naiba ang pangarap ko. Naging interesado ako sa mga itinuturo ni Mam Lat nung Grade 5. Nalaman ko na ang tinik pala ng isda eh buto nya. Nalaman ko rin na ang tao pala eh kabilang sa animal kingdom. Masama man sa loob ko tinanggap ko na rin. Ito ang simula ng expression kong for the sake of science. Yung Beyond the Solar System chapter ng libro namin ang nagpakilala sa kin kina Yuri Gagarin, Valentina Tereshkova, Lyka, Edwin Aldrin, Neils Armstrong at Michael Collins. Hmmmmm. Gusto ko nang maging Astronaut. Sabi ko, ako ang unang magiging Pilipinong makakatuntong sa buwan. At lalong tumibay ang ambisyon ko nang malaman ko na Pilipino pala ang nagdesign ng Moon Buggy, si Ed San Juan daw. Gumradweyt ako ng elementray dala ang pangarap na to.

Sa high school, pinabasa sa min ni Sir Villena yung mga turo ni Confucius. Good iron is not wasted as nails, nor are great men not wasted as soldiers. Sige na hindi na ko magsusundalo. Hanggang suntok na lang aabutin ng buwan sa kin siguro. Hindi ko pa rin alam. Walang nag career orientation sa min eh. Subukan ko na lang maging doktor. Natuto naman akong magdissect ng palaka nung second year eh. Best in bio naman ako. Kaso hindi ako pumasa sa first choice ko sa U.P. Quota course kase ang B.S. Bio. Chem na lang kukunin ko. Pwede pa rin naman akong maging doktor kung gagawin kong premed course to. Isa pa hindi naman kasama sa scholarship ng DOST ang bio kaya ok lang. Wala rin naman kami masyado pera pang college ko. Dito ko na rin naisip na hindi na ko magmemed school. Mahal kase. Pagkatapos ko mag college apat na taon pa med proper, dalawang taon pa ang specialization at syempre me med board pa. Kulang-kulang pitong taon pa bago ako kumita ng sarili kong pera. Wag na lang, magtatrabaho na lang ako. Hindi ko naman kelangan maging doktor para kumita o para makatulong sa tao (wow parang kandidato). Pumasok rin ang pulitika sa isip ko. Syempre sino bang hindi maakit sa kinang ng power at pera ng mga mayor, gobernador, congressman o senador sa atin. Kaya sinimulan ko sa pagiging S.K. kagawad. Akalain mong manalo nga ako. Dun nagsimula ang aking political career. At ng mapag-isip-isip ko, dun ko na rin tinapos.

Nagresearch na lang ako sa Batangas at pagkatapos nagturo ng chem sa U.P. Sa madaling salita, ginamit ko ang aking pinag-aralan. Rumaket sa review center at nagtutor din. Ano kaya kung mag-apply ako sa Houston o kaya sa Utah. Gaya-gaya sa mga kaklase ko na nakarating sa states sa pag piPhD. Pagkatapos ng pagbabayad ng kung anu-anong fees at pagkaskas sa credit card ni Jane natanggap ako. Mahabang istorya, hindi kasing simple ng inaasahan pero sa huli pinili ko Utah. Gusto ko bang mag PhD talaga? Nakikita ko ba ang sarili ko na PhD pagkatapos ng ilang taon? Ano naman gagawin ko pag PhD na ako? Sa totoo lang hindi ko pa alam. Pinapangarap ko pa rin ang mga pangarap ko ng kinder at grade 4 ako. Ang kaibahan lang ngayon mas masarap na mangarap. Kasama ko na pamilya ko future o present sa pangarap ko. Hindi ko na tinatanong sa Tukayo ko kung matutupad pa ba yun o hindi na. Nagpapasalamat na lang.

Naisip ko na walang pangarap na natutupad. Pero pinakamasarap na parte na ng buhay ang bahagi kung san parating nasa gitna ng pagtupad ng pangarap. Sabi nga ni Santiago, (hindi si Randy o si Raymart) - "It's [just] the [mere] possibility of having a dream come true that makes life interesting."

Monday, February 18, 2008


Mt. Makulot, Cuenca, Batangas, Pilipinas

Mt. Polis Peak, Bontok-Ifugao Boundary

Banaue Rice Terraces. Ifugao, Pilipinas

Saturday, February 16, 2008

Las Vegas Nevada

Posted by Picasa




Moab, UT


The Canyons in Moab, UT. One of the most beatiful places a person can be. Prehistoric time, this place is still buried down the Atlantic Ocean. Tectonic movements have allowed the rise of this huge rocks to the surface of the American continent bringing us the most wonderful sights on earth.


Posted by Picasa

Tuesday, February 12, 2008